Isang Liham Pamamaalam ng Isang Rebolusyonaryo

Iiwan na kita, sinta.
malalim na ang gabi’t alam natin
na hindi ito sasapat sa aking pamamaalam.
alam ko namang pipiliin mo na maging
tahimik sa aking pag-alis, at hahayaang
ihatid na lamang ako ng iyong tingin. dadalhin
ko naman sa aking paglisan ang init
ng iyong mga kamay, at ang luhang hindi
nagawang bumuhos sa gabing ito. Ngunit wala
akong iiwang pangako sa’yo, mahal,
alam nating mapanganib ang anumang pangako
sa isang pusong ulila. Hahagkan na lang kita,
maaaring sa huling pagkakataon,
at aasang maiwan, kahit man lang
pangalan ko sa iyong mga labi.

Iiwan kita, sinta.
kahit alam kong hahanap-hanapin ko
pa rin ang iyong mga yakap sa bawat gabing
hindi ako patutulugin ng lamig. Sa mga sandaling
puspos naman ako ng takot at pangamba,
awit ng tinig mo ang babalikan sa alaala upang
mapanatag ako, habang dalangin kong mga halakhak
natin ang magpapatahan sa’yong mga paghikbi
sa mga oras na magigising ka’t wala na
nga ako sa iyong tabi.

Iiwan na nga kita, sinta,
at tutunguhin ko na ang kanayunan.
Ngunit umasa kang lagi’t lagi
kitang masusumpungan sa bawat batang inulila
ng karahasan, sa bawat ina na ang sigaw
ay katarungan, at sa bawat ama na inagawan
ng karapatan. sila ang makakasama ko
sa pakikipaglaban. Ang mga mukha nila
ay magiging sa iyo, at doo’y kakayanin ko
ang lamig, gutom, takot at pag-aalinlangan.
At sa pagtangan ko ng armas, susuotin kong lagi
ang iyong mga ngiti, tuwina’y bitbit ko
ang masasaya nating sandali, at patuloy na
hahangaring muling makasama ka, sinta
sa piling ng pinaglilingkuran nating masa.

About these ads

About this entry