Hindi Na.
Naghihintay ka ngayon
Sa talang hindi magniningning,
Sa buwan na hindi magliliwanag,
Sa mga ulap na hindi matitinag.
Para saan, tanong mo
Sa kaharap mong serbesa, na
Balot ng lamig, ng nawalang
Pag-asa. Hindi siya darating,
Hindi, hindi sa mga oras
Na siya ang sigaw ng puso,
Sa mga sandaling siya
At siya ang tangan ng isipan.
Ubusin at sairin mo man
Ng ilang ulit, hindi na
Magkakatotoo ang panaginip.
Gaya ng hindi pagdaong
Ng init sa lamig ng gabi,
Tulad ng pagtatago
Ng araw sa pagdaluyong
Ng sakit, ng lipos na
Mga alaala. Walang saysay
Ang ilang ulit mong pag-aabang,
Hindi siya darating, hindi
Habang siya ang sigaw
Ng damdamin, at mga labi
Nya ang dalanging mahagkan.
Mabuti pang hintayin mo
Ang pagsikat ng araw,
Sa likod ng mga ulap -
Kaibigan, hindi mo man
Aninag ang sinag niya
Tiyak mong naroon siya,
Matimtimang naghihintay
Mariing nangangako
Ng bukas; ng pag-asa.
- matagal ko nang naisulat ang isang ‘to, mga 2 o 3 buwan na yata ang nakakalipas. at naghihintay pa rin sa kanyang hindi naman darating.
About this entry
You’re currently reading “Hindi Na.,” an entry on alab ng panitikan
- Published:
- Oktubre 23, 2011 / 5:26 hapon
- Kategoriya:
- Tula
- Mga Marka:
- araw, buwan, paghihintay, Tula




No comments yet
Jump to comment form | comment rss [?] | trackback uri [?]