Dessa

Walang lumipas na gabi
na hindi ka laman ng mga panaginip ko.
Minsa’y masaya, oo, bumabalik-balik
ang mga tagpong kasama kang kumakain
ng keso’t pandesal sa umaga, o ‘di kaya’y
mga tagpo kung saan sabay nating hawak ang plakard
at nagmamartsa sa kalsada. Naaalala ko,
sa ilalim ng hagupit ng araw, aabutan mo ako
ng puting pamunas, mas madalas pa ngang ikaw na
mismo ang magpupunas sa pawis ko, at halos
huminto ang mundo ko at maiwan ng ating hanay.
Dumadagundong pa rin, tuwing magigising
sa gitna ng gabi, ang tinig mo –
maamo tuwing kayakap ka’t nakahilig
sa aking balikat, at mabagsik nama’t nanghahamon
tuwing tayo’y may rali sa kalsada.

Ngunit mas madalas ang mga bangungot,
at may mga gabing hindi ako pinapakilos nito
sa aking pagkakahiga. Ang mukha mong duguan,
habang lupaypay ang katawan mo’t salampak
sa sahig ng isang maliit at masikip na piitan. Sumisigaw ako,
tawag ang iyong pangalan, ngunit tila walang tinig
na lumalabas sa aking bibig. Magigising na lang
akong pawisan at balisa, animo’y sumasabog ang dibdib
sa galit at takot. Minsan nama’y mariririnig kitang
tinatawag ang pangalan ko, ngunit mahina ito, halos
walang buhay na pagsaklolo, hanggang sa wala na
akong marinig. Mapapabalikwas ako sa aking pagkakahiga,
at buong magdamag nang hindi makakabalik sa naudlot
na pagtulog. aabutan ako ng umaga na umiiyak,
muling puno ng mga pangamba.

Nariyan pa ngang paulit-ulit kong bibilangin
ang oras, araw, minuto mula ng mawala ka. May mga araw
pang dumarating ang iyong ina, ngunit kahit sa
pagitan namin ay hindi kami makahanap ng kapanatagan.
mistula kaming mga inutil, mga pipi sa pagkawala mo, takot
na bumalik kang hindi na humihinga. Madalas, hindi ko
mapigilan na sumagi sa isip na hindi ka na nga magbabalik,
o kung magbalik ka ma’y hindi ko na muling mararamdaman
ang init mula sa iyong hininga. Humihiyaw ako tuwing maiisip
ko ito, kahit pa pilit kong tinatakpan ang aking bibig. Hindi ko
pa rin malimot ang sinabi mong hindi mo gustong sumisigaw ako.
Ngunit maalaala ko rin naman na wala ka, kaya’t ibinubuhos ko
na lamang ang pagtinging muli sa larawan mo, dahil nais na
iwaksi’t takasan na lang ang mga bangungot, at alalahanin na lang
kung papaano mo ako tingnan noon – punong-puno ng pagmamahal.

Ngunit alam ko na hindi dapat takasan ang bangungot, at hindi
dapat magpagapi sa takot. Dahil alam ko, na
kung ako man at hindi ikaw ang nawala, hindi mo
hahayaang mawala ang tapang mo. Na sa kabila ng mga ‘di mabilang
na paghihinagpis, sa harap ng nakaambang panganib, patuloy
kang lalaban. Patuloy na hahanapin ang katarungan, para sa akin
at para sa marami pang nawawalang biktima ng rehimeng ito.
Kaya’t babalikan kong muli ang iyong larawan, at itatabi
muna ito. Sa aking pagbangon mula pagkakahiga’t panlulumo,
papawiin ko ang luha sa mata at haharapin
ang aking mga bangungot. Mula rito, umasa ka, mahal
na magpapatuloy pa rin ako. At ang sinapit mo, kabilang
ang marami pang mga desaparesidos, ang magiging sulo
sa paglakad ko sa dilim. At wala na, wala na
wala na ngang araw na lilipas, na hindi ako lumalaban.
Sapagkat alam ko, wala mang kasiguruhan ang
pagbabalik mo, patuloy ka sa iyong laban.

Para sa akin.
Para sa atin.
Para sa bayan.


About this entry