Huling Araw Ni Dessa

Magigising nang bigla si Dessa mula sa kanyang pagkakahiga sa kanyang kama. Matagal siyang mapapatingin sa kisame, kung sa’n nakapaskil ang linyang “…dahil krimen ang magpahinga.” Lilingunin niya ang kabilang parte ng kanyang kama at mapapahaplos sa unan sa tabi niya na wala gumagamit, at babalik sa kanya ang alaala niya ni Rene, ang kanyang kasintahan. Halos mag-iisang taon na mula ng mawala ito. Malakas ang indikasyon na militar ang siyang dumukot kay Rene, ngunit halos limang buwan na ay wala pa ring inuusad ang kanilang paghahanap ng hustisya sa pagkawala ng kasintahan. Maaalala niya ang isang gabing nag-uusap silang dalawa tungkol sa plano ni Rene na tumungo sa kanayunan at sumapi sa armadong pakikibaka doon. Nagpahayag si Dessa ng pangamba sa balak ni Rene, ngunit pinaalalahanan siya nito na hindi siya dapat mangamba at bagkus ay ikatuwa niya ang desisyon ni Rene. Babalik ang diwa ni Dessa sa kasalukuyan sa pagtunog ng alarm clock niya. Alas singko y medya na. babangon si Dessa at tutungo sa banyo upang maghilamos. Sa manaka-naka niyang pagtingin sa salamin ay tila aninag niya ang mukha ni Rene na waring nakatingin sa kanya, ngunit walang reaksyon si Dessa. Lalabas si Dessa at tutungo sa malapit na tindahan at bibili ng keso at pandesal. Kukumustahin naman ng tindera si Dessa tungkol sa paghahanap ng huli sa kanyang kasintahan. Hindi ito mapapansin ni Dessa sa umpisa sa kanyang pagkakatitig sa keso at pandesal. Uulitin ng tindera ang kanyang tanong sa nagulat na si Dessa, at magpapasalamat naman si Dessa sa pagtatanong nito at sasabihing patuloy pa rin siya sa kanyang paghahanap. Babalik si Dessa sa bahay at tutungo sa kusina upang magpakulo ng tubig pang-kape. Habang kumakain si Dessa ay muling babalik ang alaala ni Rene noong sabay pa silang nag-aalmusal. Pinag-uusapan nila noon ang mga pagkilos na kung saan ay una silang nagkita. Binabalikan nila ang mga alaalang ito at nagtatawanan sila, nag-aasaran. Mababasag na naman ang pagbabalik-tanaw ni Dessa sa pagtunog ng telepono. Hindi niya ito kaagad, sasagutin at tititigan ito ng matagal. Titigil sa pagtunog ng telepono, ngunit bago pa man matapos ni Dessa ang pag-aalmusal ay muli itong magri-ring. Sasagutin na ito ni Dessa, bagama’t maghihintay muna ng ilang sandali. Sa kabilang linya, maririnig si Lino, ang matalik na kaibigan ni Rene. Magkukumustahan silang dalawa, sa mga nakaraang pagkilos at sa mga naka-plano pa nilang mga lakad sa mga panawagan nila ng katatungan para kay Rene. Ngunit bago matapos ang kanilang usapan, tatanungin ni Lino si Dessa kung nakapagdesisyon na ito, ngunit hindi babanggitin kung tungkol saan. Matatahimik naman si Dessa, ngunit sasabihin niyang hindi pa siya nakakapagdesisyon. Magpapaalam na si Lino sa kanya, ngunit bago ito ay sasabihin ni Lino na isipin ni Dessa kung ano ang gagawin ni Rene kung ito ang nasa kalagayan ni Dessa sa ngayon. Hindi ito sasagutin ni Dessa ngunit muling magpapasalamat kay Lino at tuluyang ibaba ang telepono. Tutungo si Dessa sa kusina at maglalabas ng mga rekado ng kanyang lulutuin. Sa kanyang paghihiwa ng gulay at karne, hindi sinasadyang masusugat siya. Bigla namang babalik ang alaala niya kay Rene, sa isang rali kung saan sugatan ito bugbog sa pandadahas ng mga pulis. Nanghihina ang katawan ni Rene, ngunit hindi makikita ito sa kanyang mga mata. Katulong ang isa pang kasama, aakayin niya si Rene pabalik sa kanilang bulto, kung saan tutulungan pa sila ng iba pang mga kasama. Balik sa kusina, huhugasan ni Dessa ang kanyang hiwa at lalagyan ito ng glue upang maapat ang pagdurugo nito. Babalik si Dessa sa kanyang pagluluto, ngunit bago iyon ay bubuksan niya ang TV at ililipat ang istasyon sa balita. Matitigil siya sa pagluluto nang ang balita na ay patungkol sa halos isang taon nang pagkawala ni Rene. Mapapaupo siya sa panonood, at tahimik na maluluha sa mga larawan ni Rene na ipinapakita sa telebisyon. Makakaidlip si Dessa, at mapapanaginipan niyang muli si Rene, ngunit ngayon ay hindi na siya nito kasama, ngunit ang panaginip na niya si Rene kasama ang mga dumukot rito – nakagapos si rene at nakapiring habang pinapalibutan ng ilang kalalakihang nakabihis militar. Kinukutya si Rene at patuloy na sinasaktan – sinasapok, tinatadyakan, at pinapalo ng baril sa ulo. Makikita sa mukha ni Rene ang labis na sakit, ngunit hindi man nito makuhang humiyaw sa sakit na tinatamo, bagkus ay tiim-bagang nitong tinatanggap ang pananakit sa kanya. Tutukan ng isang lalaki si Rene ng baril sa noo, at akmang babarilin ito. Kakalabitin ng lalaki ang gatilyo at aalingawngaw ang tunog ng baril kasabay ng doorbell, at magigising bigla si Dessa na luhaan pa rin. Magpapaulit-ulit ang doorbell, at lalabas si Dessa habang pinupunasan ang kanyang mga mata. Bubuksan ni Dessa ang pinto at makikita ang nanay ni Rene – si Mila. Hahalik si Dessa kay Mila at papatuluyin ito. Magkukumustahan ang dalawa, ngunit hindi muna pag-uusapan ang tungkol kay Rene. Tutulong naman si Mila sa naudlot na pagluluto ni Dessa. Patuloy na mag-uusap ang dalawa sa iba’t-ibang mga bagay na walang kinalaman kay Rene, ngunit nangnakasalang na ang niluluto ng dalawa, bigla na lang mapapaiyak si Mila. Maglalabas ng hinaing at sama ng loob si Mila sa pagkawala ni Rene, at pati kay Dessa sa naging pagsasama nila ni Rene. Hindi naman sasagot si Dessa at hahayaan ang nanay ni Rene sa pagsasalita nito. Dahan-dahan namang lalapit si Dessa kay Mila, at yayakapin ito. Mapapayakap rin si Mila kay Dessa. Patuloy sa pa-iyak si Mila, ngunit hindi naman mababakas kay Dessa ang pagluha.

Kinagabihan ay mananaginip si Dessa sa kanilang minsang pag-aaway ni Rene. Tahimik lamang si Rene sa mga sinasabi ni Dessa tungkol sa kanilang relasyon, at kung paano sa tingin niya ay napapabayaan na ito ni Rene. Matatapos ang kanilang pag-aaway sa paghalik sa kanya ni Rene at dito na magigising si Dessa. Muling titingnan ni Dessa ang kaniyang kisame at ang larawan nila ni Rene. Babangon si Dessa, at magsisimulang mag-impake ng kanyang mga damit. Matapos nito, tatawagan ni Dessa si Lino upang sabihing nakapagdesisyon na siya. Matapos ang kanilang pag-uusap, lalapitan at kukunin ni Dessa ang larawan nila ni Rene, at uupo sa kama kung saan nakapatong ang kanyang mga inimpake. Titingnan niya ito ng matagal; ngunit sa paglabas ni Dessa ng kwarto ay maiiwan niya ang larawan nila ng kasintahan. Muling magbabalik ang alaala ni Dessa sa pag-uusap nila ni Rene, at ipinapaliwanag sa kanya nito na para sa kanila at sa bayan ang kanyang pagpunta sa kanayunan at pagtangan ng armas. Mapapaluha si Dessa at hahagkan siya ni Rene, at sasabihang tuwing maaalala siya nito at malulungkot, huwag niyang kakalimutang lumubog sa masa.

– Paumanhin at pasasalamat kay Daena para sa huling linya ng akdang ito; balak ko ring umalingawngaw ito sa mismong script na gagawin base na rin sa akdang ito.


About this entry