mga berso, unang patikim

“Kanina, habang darang na minamasdan ang pagyakap ng hibla ng damit sa
iyong balikat, naglarong bigla sa isip na ako ang hanging umiihip sa iyong tabi, na makailang ulit sayo’y nagpangiti.”

– inspirasyon ang isang kaklase sa film. si mayee.

“Muli na namang naglalaho ang oras sa pagitan natin, at ngayon nga’y bumabalik-balik ang mga sandaling pilit nang iniwan sa kalsada ng lumbay. At nais na itanong sa’yo, giliw – tangay mo man aking hininga – kung hindi na nga ba matatapos ang larong ito ng mga puso.”

– para sa inibig ko na inakalang kong inibig ko na lang, ngunit iniibig pa pala, bagama’t wala pang linaw.

…at unti-unti nang pinaghihiwalay kayo ng bawat oras, at lalong tumitindi na maging alaala
na lamang ang mga pinagsilungang gabi, mula sa ulan at basbas ng buwan.

– dating inspirasyon at ilang linggo ring kinabaliwan.

“…at muli, nakita kang nakatayo’t nakangiti, bagama’t may lungkot na naaninag sa iyong mga mata. Napatingin ka sa akin, at sa pagtama ng ating mga tingin, inasahan kong titinag ang aking mundo. Ngunit hindi, bagkus ay nagsimulang uminog sa’yo.”

– ang totoo’y para sa dalawang tao: ang una ay ang kababanggit lang at ang ikalawa ay isang aktibistang patuloy na nagpapagaang ng damdamin tuwing mamamasdan.


About this entry