Sa Unang Pagkikita

Tinawag mo ang kaibigan ko sa gitna ng aming paninigarilyo. Nilingon kita, at mabilis mong tinawid ang kalsada papalapit sa amin. Masigla kayong nag-usap ng aking kaibigan, habang may pagkailang akong palinga-linga sa iba’t ibang direksyon – kunwari’y naghihintay ng paparating na sasakyan. Parang matagal kayong hindi nagkitang dalawa sa inyong pag-uusap; lumipas ang ilang minutong parang hangin ngayong tag-ulan. Pinili kong hindi basagin ang katahimikan ko; siguro’y nawili na ang pandinig sa pakikinig sa’yo. Pinagpatuloy ko ang bumilis nang paghithit, at naglaro sa isip ko na tayo at hindi kayo ng aking kaibigan ang nagpapalitan ng tawa’t mga ngiti.

Ngunit napansin mo ako. Binawi mo ang imahinasyon ko ng isang malambing na pagbati at ngiti. Nginitian kita, gaano man katipid; ang totoo’y biglang kinapos ang hininga ko sa pagkabigla; hindi mo sana nahalata. Nagpakilala tayo sa isa’t-isa, at sa isang mabilis na sandali, hindi ko naiwasang tumitig na sa’yo. Tumayo kayong dalawa’t sumilong sa pagbuhos ng ulan, at sa iyong paglapit, naiwan ang mga matang nakatitig sa iyong mukha, mga labi’t pisngi. Nakisali ako sa munting kwentuhan, ngunit iniiwas ko ang tingin tuwing may sasabihin; mahirap ng mawala sa iyong mga matang waring nakikipaglaro sa akin. Ngunit sadyang hindi maiwasan ang tinig mo – maindak, sumasayaw-sayaw sa musika ng iyong mga hagikgik.

Patuloy sa pagbuhos ulan, at umasang hindi muna ito tumila; gusto ko pa sanang magbabad sa iyong mga ngiti. Paulit-ulit ang pagsasabi mong maginaw, at muling naglaro ang isip na sa yakap ko iyon papawiin. Ngunit tila hindi sumang-ayon sa akin ang panahon at ilang saglit lamang ay humina na ang ulan. Umalis ang kaibigan ko at naiwan tayo sa ating maikling pag-uusap. Nais pa sanang makausap ka at magnakaw ng marami-rami pang mga tingin, ngunit alam kong hindi iyon ang tamang oras. Dumating ang jeep na iyong hinihintay at nagpaalam tayo sa isa’t isa. Sinundan kita ng tingin sa iyong pagsakay at munting dalanging makita kang muli. At bago lumayo ang jeep, nakita kong sumilip ka sa bintana nito at muling kumaway ng paalam sa akin. Gumanti ako ng kaway habang minamasdan ang jeep papalayo. At mula sa aking pag-uwi, hanggang sa mga oras na ito, patuloy na pinipigilang na tumalon ang puso sa tuwa, dala ng ating unang pagkikita.


About this entry