Pag-ibig, Sa Gunita Ng Bagyo

Ikaw, at ikaw ang alaalang hatid
ng bagyo.

Tila walang tigil, walang
sandaling tahimik sa pag-iisa,
hindi tumitila ang gunita.

Mga hanging hampas ay galit,
pag-ulang walang kapatawaran. Hindi nga
kita masisisi sa pangungulila, dahil
tulad ng daluyong, hindi natin
nalaman ang iyong pag-alis.

Isinasabay ko ang panaghoy sa hiyaw
ng mga alon, sa pag-asang hindi
ako kailanman marinig. Hindi maaaring
maging mahina, lalo
sa panunubok na hatid nitong gabi.

Kaya’t luha’y sanib sa ulan,
kasama ang dalanging itago ng dilim
ang mga ‘di mapigil na hikbi.

Ikaw, at ikaw ang larawang ipinipinta
ng bagyo,

pinsalang ipinaskil sa isipang puno
ng ligalig. Nais kong burahin
ang iyong mukha, burahing pilit, at
ipinta kang muli gamit
ang mga alaalang hindi iniwan
ng iyong pagkawala.

Makatarungan bang salingin ang poot
ng panahon? Sa ganang akin, kaibigan

ay hindi ko nalalaman. Ngunit sa bawat
kagat ng lamig sa aking likuran
at tinig mo ang dinig, sa mga dagundong
na patak ay sigaw ng iyong sakit, at
sa bawat hagupit ng hangi’y latay
sa iyong alaala, umasa ka,

hinding-hindi pagagapi
sa mga pagbagyo ng ngayon,
at sa mga darating pang daluyong
ng ating panahon.


– akdang iniluwal ng bagyo, pagbaha, brownout, at ng katatapos basahing nobela, Desaparesidos ni Lualhati Bautista.


About this entry