Mananayaw

heto na
sumisipa na ang tambol
sumisikdo na ang dugo
gumugulong na ang ritmo
sa iyong katawan.

yakap ka ng luntian,
hinahawi mo ang lumbay
at pagod
gamit ang pilantik
ng iyong mga daliri,
sumasabay na ang mga mata ko
sa daloy ng iyong mga binti.

lumilikha ng lindol
sa puso ang bawat pag-ikot
ng iyong balakang,
bawat pagbawi ng hakbang mo
ay pigil kong hininga
ang katumbas.

napapaindak mo na
ang aking imahinasyon.
kahit buhok mo’y mayroong
sariling sayaw, at tangay nito
ang isip, paitaas,
kung saan malaya tayo
sa saliw ng tambol at ritmo
nitong nag-iisang gabi –

kapiling ka, at ang iyong sayaw.

– para sa isang mananayaw ng kontra gapi.


About this entry