paumanhin

ngayon ko lang ulit nabisita ang pahina kong ‘to, dala ng maraming gawain at marahil, ng katamaran. nag-aayos pa ‘ko ng ilang mga bagay, at harinawa, sa mga susunod na araw, makakahagilap ng inspirasyon at sapat na tulak sa paglalagay muli ng akda rito. sa ngayon, pagtiyagaan sana ninyo ang isang lumang tula:

HANAP KA

hanap ka.
ngayong tahimik at nakaupo,
pangarap kang kaharap
sa lamesa –
sa gitna ng serbesa at
sa malalamig na usok ng gabi,
inaambunan mo ako ng iyong ngiti
at maiingat na tingin.

hanap ka.
sa paglalakad sa ambon,
iniisip na lilim ng payong mo
ang ating mundo –
malaya sa pagtatampisaw,
at mabilis akong pinapayapa
ng iyong munting halakhak.

hanap ka.
habang babad sa pagtitig sa’yo,
panaginip kong nasa
harapan mo –
ilang masusuyong hampas
at biruang pagsasaluhan,
hahayaan sa pagtakbo ang oras –
at hindi siyang nasa tabi mo.

hanap ka.
tuwing uuwi’t mapag-isa,
sinasariwa ang bawat matatapos
na gabing kasama ka –
namumuo ang takot at kaba
sa iilang paalam na binitiwan
pangambang ngayon nga’y patuloy na
hahanap-hanapin ka.

– akdang inialay kay kathy.


About this entry