sa pag-iisa: isang larawan

hayaan mong iguhit ko ang mga sandaling wala ka na.

mga salitang nagkalat sa sahig, mga alitan sa ulunan
ng kama, mga hindi maubos-ubos na bote

ng pighati, lungkot, at lukot-lukot na alaala
ng mga nagdaang oras, araw, mga gabi. at makikita mo

akong nakasalampak ang ulo sa ‘di mabilang na upos
ng mga saya’t pinagsaluhang tawanan.

wala na’ng ningas nitong kailan lang ay maaaninag
sa ating mga mata. at ni hinding magawang kumilos ng kamay

upang abutin ang awa na iniwan mo sa may pintuan
bago ka lumisan.


About this entry