Bulalakaw

miminsan nang nakita ka, halos

mamalik-mata,
mamalik-alaala,
maantala

ang tahimik na gabi.

maingay ang pagdating mo –
bumulusok sa dibdib,
mayanig-yanig na daigdig.

sa isang
saglit, hindi

ko nakuhang humiling,
namugto ang pag-asam
sa dila, sa diwa

at naupos ang bukambibig
sa liwanag na ‘yong hatid.

ngunit naglaho ka

ni hindi inabot
ng ‘sang dipang hininga
at mas maugong,
hindi matuto-tutong
pagdagundong

ng mga hikbi,
naunsyaming mga pasubali,
nalunod na mga ngiti.

miminsan nang hinintay ka, halos

namamalik-mata,
namamalik-alaala
naaantala

ang ‘di matahimik na gabi.

 

– una sa tatlong naisulat, unang nailathala noong Mayo 1, taong kasalukuyan


About this entry