Maaari Ba Na Ikaw Ay Isang Tula

maaari bang ituring
kang tula, kahit pa
sa mga oras na ganito:

 

buhol-buhol ang salita
putol-putol na gunita
sa urong-sulong kong diwa –
hindi maiwaksi’ng larawan mo.

 

nahihilaw ang mga linya,
malubak sa tulay ng mga letra
at masukal na daan ang tugma –
hilo sa himig ng hagikgik mo.
kaya’t maaari ba, maaari ba,

 

na sa mga sandali
na walang lugar sa puso
ang mga salita, walang
puwang ang mga tugma
na ituring ka at iyong ngiti
at mga matang ‘di mawaglit

 

na siyang tula na
magtatawid sa bawat
dapit-hapong tuwina’y umaalis,
sa mga gabing asam ka’t
napupuspos ng pananabik
at sa mga umaga, aking tinitikis
puso na matimtiman munang magtiis.

 

 

ikalawa sa tatlong tula, unang nailathala noong Mayo 5, taong kasalukuyan


About this entry