Ang Babaeng Nawalan ng Pandama

Gumising siya mula sa isang panaginip kung saan makulimlim ang paligid, at unti-unti nang ipinipinta ng araw ang mga sinag nito sa ilalim ng mga ulap. Kahel, ang pumasok sa isip n’ya, at dali-dali niyang sinubukang abutin ang kagandahan ng mga ito. Hindi na niya naalintana ang lalaki sa kanyang tabi sa kanyang pagdipa – nakasalampak ito sa mamasa-masang semento, walang imik at walang patid ang pagkakatitig sa kanya.

May isang lalaking hinihiyaw ang kanyang pangalan. Ngunit wala siyang naririnig.

Nagmulat siya sa kadiliman. Inakala niyang baka napagod lamang ang mga mata sa pagtulog at sa pananaginip, kaya’t pilit siyang pumikit muli at alalahanin ang hibla ng mga ulap na pinipilit niyang abutin, sa ibabaw ng mga bahay, sa likod ng puno ng mangga. Hindi niya maabot ang mga ito, kaya’t muli n’yang idinilat ang kanyang mga mata: walang nagbago sa kanyang paningin, madilim pa rin. Alam niyang umaga na; hinding-hindi siya nagkakamali ng paggising simula pa noong una siyang basahan ng kanyang ina ng mga mito tungkol sa mga sawing magsing-irog at makatulog ito sa kanyang tabi, yakap-yakap siya ng mahigpit habang ang silahis ng araw ay banayad na tumatama sa kanilang mga pisngi. Hinihintay niya ang dampi ng araw na nanggagaling sa luma’t at maalikabok na salamin ng kanyang bintana, ngunit bigo siya. Ang totoo, kanina pang madaling araw ang pagbuhos ng ulan, habang abala s’ya sa kanyang pagtulog at pag-abot sa mga kulay kahel na ulap. Humina na ang pag-ulan, ngunit hindi pa rin sapat para pasilayin ang araw sa kanyang maliit na bintana.

Sumasabay ang pagtawag ng lalaki sa kanyang pangalan sa mga ihip ng hangin at pagbagsak ng ulan. Ngunit wala siyang naririnig.

Napasigaw siyang bigla at napabalikwas ng bangon sa kanyang kama. Hindi nagbabago ang dilim, iniwan na ng kulay at hugis ang kanyang paningin. Napahagulgol s’ya, ngunit maging sarili niyang pag-iyak ay walang likhang tunog. Naalala n’yang biglang-bigla na hindi rin niya rinig ang kanyang pagsigaw, kahit pa buo sa isip n’ya ang lakas nito, pumailanlang sa loob ng kanyang kuwarto. Wala siyang narinig, wala siyang naririnig.

Basang-basa na sa ulan ang lalaki sa labas, ngunit patuloy pa rin sa pagtawag ng kanyang pangalan.

Naging kakatwa ang mga sumunod na tagpo: lumuluha siya, walang tigil, alam niya, ngunit tila manhid ang kanyang mga pisngi, at kahit ang ginawa niyang pagpahid sa mga luha niya ay tuyot, ni hindi niya naramdaman ang pagkusot ng kanyang mga kamay sa kanyang mata. Masakit, mahapdi dapat iyon, gaya noong una siyang pinaiyak ng kanyang kababata dahil hinalikan siya nito matapos ang paulit-ulit na pang-aasar sa kanya na uhugin siya at laging marurumi ang mga kuko. Walang tigil siya noon sa pagkusot sa mga mata upang hindi makita ng kanyang ina ang nangyari. Walang ibang nakakaalam noon, siya lamang at ang kanyang kababata, na minsan na niyang nagantihan ng hindi niya sukilan ang pag-ibig nito sa kanya.

Napatakbo sa bintana ng kanyang kwarto ang lalaki, sumilip ito, at nakita siyang lumuluha. Hinampas-hampas ng lalaki ang salamin ng bintana at hindi nito inda ang pagtalsik-talsik ng tubig ulan mula sa salamin papunta sa kanyang luhaan na ring mga mata. Ngunit hindi niya kita ang lalaki o rinig ang pagkalampag nito sa bintana, habang patuloy na isinisigaw ang pangalan niya.

Nanatili siyang nakaupo sa kama n’ya, walang pag-aalintana sa paglipas ng oras. Kapit-kapit niya sa isang kamay ang kumot na kagabi lang ay naging pananggalang sa lamig, habang ang isa naman ay walang tigil sa pag-himas sa kanyang tuhod, tila pilit na ibinabalik kahit man lang munting pakiramdam dito. Bumalik sa kanyang alaala ng minsan siyang madapa at kinailangang lumakad ng may saklay ng ilang araw, dala ng sugat at bali sa kanyang tuhod. Naghilom na nga ang sugat nito, ngunit hindi niya matanggal sa isipan ang pagdalangin na maulit iyon, para man lang manumbalik ang pandama, gaano man ito kasakit. Maya-maya’y bumangon siya sa kama at pinilit tumayo habang kinakapa ang tokador sa kanyang ulunan at pader sa likuran nito – hahanapin niya sa dilim ang kanyang pinto.

Sa labas, pinapanood siya ng lalaking nakasilip pa rin sa kanyang bintana, habang ibinubulong sa salamin at mumunting hamog ang kanyang pangalan.

Halos mapadausdos siya pagkalabas ng kaniyang kuwarto – patuloy na nangangapa, patuloy na hinahanap ang daan. Sa mahigit labing siyam na taon niya sa bahay na iyon, hindi niya nakuhang makabisa ang bawat sulok nito. Magulo ang kanyang isip, halu-halong mga alaala ang nagsusumiksik ngayon, pilit na pinupunan ang pagkukulang ng kaniyang paningin, pandinig, pandama. Pumasok siya sa isang nakaawang na pinto, at sa unang pagtapak ay napadausdos siyang muli at nabuwal. Dapat sana’y humihiyaw na siya ngayon sa sakit; duguan ang kanyang braso sa pagkakatama nito sa malubak na pader, ngunit ang iniiyak niya ay ang kawalan ng sakit, kahit pa mabilis ang pag-agos ng dugo sa kanyang balat. Pinilit niyang tumayo, at nang mapakapit sa pihitan ng gripo ay binuksan ito at hinayaan niyang anurin ng tubig ang dugo. Naisip niya, baka ang lamig ng tubig ang magpabalik sa kanyang mga pandama. Hinayaan niyang matapat ang mukha sa tubig, at kahit pa malinaw sa kanyang mga alaala ang halimuyak ng bawat umagang kalong-kalong siya ng kanyang ama habang pinapaliguan siya labinlimang taon na’ng lumipas ay wala siyang masamyong bango, wala tamis ang tubig na humahalik sa kanyang mga labi sa mga oras na iyon. Niyakap niya ang sarili habang nakaupo sa sahig at patuloy na bumabagsak ang tubig sa kanyang buhok, mukha, balikat, dibdib. Inakala niyang nakararamdam na siya ng lamig, ngunit alam niyang pinaglalaruan lamang siya ng kanyang mga alaala, patuloy at patuloy sa pagdaloy nito sa kanyang halos mamanhid na ring isipan.

Nakaluhod na ang lalaki sa labas, nakakuyom ang kamaong binalot ng putik at sakit. Patuloy pa rin siya sa pagtawag, kahit pa halos wala na siyang lakas, at pinupuspos ng lamig ng ulan at sakit na dala-dala nito. Dinig mo ang mga pigil na hikbi sa pagitan ng kaniyang mga pagtawag at pagsusumamo, ngunit wala pa rin siyang naririnig, kundi mga alaalang bumabalik-balik sa patuloy na pag-agos ng tubig sa kanyang katawan. Wala ring pagtigil ang kanyang pagluha, at pagdalangin na sana ay mayroong nakakarinig, mayroong nakakakita, at nakakadama sa kanya sa mga oras na iyon.

Magigising siyang bigla at mapapabalikwas sa kanyang pagkakahiga, at sa ilang saglit ay pinigilan ang sariling huminga – binalumbunan siya ng takot at pangamba, higit pa noong kanyang kamusmusan, nang minsan siyang naiwang naglalakad pauwi at walang awat sa pagkapit ang lamig sa kanyang batok, walang tigil sa pagkahol ang mga aso ng kapitbahay at mga naninimdim na ilaw ang tanging gabay niya pauwi. Nakahinga siyang muli matapos maiwaksi ang masamang alaala, at nadama niya ang luha sa kanyang mga pisngi. Napangiti siya, sapagkat ramdam na niya ang lamig sa kanyang mga balahibo’t balat at malinaw na sa pandinig ang mahinang pag-ugong ng aircon sa kanyang ulunan. Pumikit siyang muli matapos mapatingin sa labas ng kanyang bintana, kung saan nakatulay ang liwanag ng buwan at mga bituin, nagbabadya ng magandang araw sa muli niyang paggising.

Sa labas, may lalaking inaawit ang kanyang pangalan, nakatayo at nakasandal sa liwanag ng buwang nakadampi sa kanyang bintana. Malungkot ang mga mata nito, at dinig mo ang hikbi sa kanyang pag-awit. Ngunit bago pa man siya muling managinip at muling subukang sungkitin ang mga kulay kahel na ulap na tinatabingan ng malagong puno ng mangga, wala siyang narinig, wala siyang nakita, wala siyang nadama.

 

 

– unang subok sa maikling kwento/dagli/prose poetry matapos ang halos pitong taon.


About this entry