Ayaw Tumigil ng Pag-ulan

Kinukulang ang kape
sa ganitong mga tagpo.
nawawalan ng saysay
ang idlip, dahil

 

makurot sa tagiliran
ang lamig. kung iisipin mo,
dapat nasanay na ako
sa paulit-ulit na pagbagsak

 

ng tubig – sa bubong, sa kalsada,
sa pisngi. hindi siguro,
ang magiging sagot ko, at tila
bago at sariwa ang bawat pagpatak,

 

pagwika ng hangin sa balat,
alaala ng linggong nagdaan.
lumalakas pa nga yata,
sa paghaba ng oras,

 

at hindi ko na mabilang
kung ilang ulit kong isinabay
sa pagbuhos yaong
pabulong na dalangin

 

na iyong pangalan. mahirap,
sinta sa totoo lang,
kapag ganitong ayaw
pang tumigil ng ulan,

 

dahil tila ayaw ring magpapigil
at hindi nga magkamayaw
sa pag-iisip, na sana, sana,
mga yakap at ngiti mo ang pag-ulan.

 

 

– ikatlo sa tatlong tula, unang nailathala noong Mayo 8, taong kasalukuyan


About this entry