Nililimot Na Kita*

Nililimot na kita
walang biro. Huwag magulat,
hindi kaila na
sa bawat pader na sinandalan,
bawat tangkay ng halamanan
kung saan ilang usok at halakhak
ang pinagbigyan, ito
at ito ang tahimik mong hiling.

 

Ipagpaumanhin, ipagpatawad mo
na lang na mas madalas
sa minsan, sasambit-sambitin,
isisigaw pa nga ang pangalan mo
tuwing may ulan at mapag-isa,
kapag tutugtog ang mga awit
na ‘yong ipinakilala,
‘di sadyang naipadama.
Kung magkakataon ding nakatingin
sa ulap at dapit-hapon na
at nagtitintang kahel ang mga ulap,
mapipilitang ibalik sa alaala
ang iyong mga ngiti. Pagbigyan
mo rin sana, kung
mangyari mang sumalisi
ng ilang mga ngisi
tuwing magigisnang gising
ng magdamag, hinahamog at hindi
makatulog, dala na rin
ng paulit-ulit na awit
ng iyong tinig.

 

Nililimot na nga kita, pangako ko
sa mga ilaw na nilakaran,
bawat karanasang pinagsaluhan,
mga bituing sabay na minasdan.
Maliban na lang marahil
sa mga araw, araw na
makikita ka, makakasama,
makakausap. Mahirap ang paglimot
ng walang paglisan, katotohanang
hindi na kailangang
ipagsiksikan sa puso
na ikaw at ikaw pa rin
ang laman.

 

Kaya’t sinta, kapag
mapapatingin sa ‘king gawi
at maabutang dinadalangin
pa ring patuloy ang piling mo,
huwag mo nang ipagtaka’t ikagulat
‘pagkat kahit pa nililimot ka na
ikaw at ikaw pa rin ang tulang nais isulat,
awiting hindi na matapos-tapos,
at pag-ibig na nakamit na ngang halos.

 

 

*may isang tula si Reuel Aguila na naging mala-inspirasyon ng tulang ito. Narito ang kay Sir Reuel, at siyempre, ‘di hamak na mas mahusay ‘to.


About this entry