Alamat ng Lupa at Buwan

Hindi pala maaaring humalik
ang lupa sa buwan,
 
kahit pa anong rikit niya,
matapos ang pag-ulan, at dahan-dahan
ang pagkahulog ng mga mumunting patak
mula sa mga dahon, kawad ng poste,
at mabining nakahiga sa mga lubak
ang tubig-ulan.
 
Nanghahalina, oo
ang kanyang liwanag, sa likod
ng maninipis na ulap
at hamog na tila siya’y yakap-yakap.
Marahil nalango siya
sa ulan, nagmistulang awitin
ang pagbuhos nito sa kanyang dibdib,
nagbibigay lakas, pinapayapa
ang kanyang mga pangamba’t alinlangan.
 
Hindi maaaring humalik ang lupa
sa buwan, ngunit huli na
ng malaman niya ito.
 
Sa isang iglap, natuyo
ang tubig-ulan, napawi’ng ulap
at hamog, tumanggi sa
pagsilay ang mga tala.
Ngayon, wala ng liwanag
ang aasahang sumandal sa lupa,
hindi na mahahagilap pa
ang buwan. Hindi nga maaaring
 
humalik ang lupa sa buwan,
ngunit huli na, huli na.

 
 

– medyo photofinish ang pagkakasulat nito. pero nakakatamad mag-revise. sa susunod siguro.


About this entry