Ang Wakas (isang salin ng tulang “The End” ni Arkaye Kierulf)

Naramdaman mo na marahil ito sa iyong mga buto. Nagsimula na: Ang mga papel
na nagiimprenta ng mga kwentong magkakatulad, paulit-ulit. At nasilip mo na ba
 
ang mga obituaryo? Kaagad-agad, wala ng may alaala
 
sa kanilang unang halik. Tumutunog ang telepono, tumutunog
tuwing walang sinuman sa bahay. Sa pagitan ng ating mga balat ay kinailangang init
 
na naghihiwalay sa atin habambuhay. Tingnan mo: espasyo. Sa ibang dako, isang nawawalang susi. Nagsimula na:
Ang minsang hangin o alingawngaw o ‘di sinadyang lambing
 
ngayo’y isang ibon sa labas ng iyong bintana, kumakantang walang bahid ang tono’t timbre
ang awit na nasa ating mga dila, pinutol. Anumang hinihila mo sa lupa para mabuhay
 
hinihila rin naman ng lupa pabalik sa kanya: ito at ito at ito ay akin. Wala kang inaari.
Ang ating mga katawa’y humihinga sa isang ritmo, sa isang patutunguhan, sa isang pag-atras. Nagsimula na nga:
 
Nakatingin ang katotohanan na animo’y kuwago: wala kang pupuntahan: Wala kang inaari.
 
Sa dilim dinig mo ang isang paggalaw – kaluskos, pagtatago. Ang puso’y bumubukas, sumasara, bumubukas.

 
 

– subok lang sa pagsasalin.


About this entry