Sa Tuwing Matatapos ang Unos

masdan mo:
hindi na siya gumagalaw.
 
ngunit kung ibabaling mo
ang tingin paitaas
 
mula sa kanyang dibdib
maaaninag mo ang usok
 
mula sa kanyang paghinga,
pagbubuntunghininga, habang
 
nakapako ang tingin
sa walang talang langit.
 
kakatapos lamang ng unos
kung tutuusin, marapat lamang
 
na umasa, hindi, maghintay
na mayroong nang mga bituin
 
at gahibla na ang mga ulap
at tinatahi ang silahis ng buwan.
 
ngunit ang gabing ito
ay kakatwa, iba sa mga gabi
 
na nakagisnan mo na
tuwing matatapos ang unos.
 
kumot-kumot pa rin ng langit
ang nangingitim na mga ulap,
 
masakit pa rin ang kagat
ng lamig, nakakabingi pa rin
 
ang pag-iyak ng hangin.
masdan mo
 
hindi na siya gumagalaw
ngunit kung ilalapat mo
 
ang kamay mo sa kanyang dibdib
alam mong buhay pa siya,
 
sumasamo, umaasa. tag-ulan, oo,
hindi maikakaila, at
 
hindi ito ang huling gabi
na walang masisilayang buwan, tala
 
walang unos na magbabadya.
masdan mo
 
hindi na nga siya gumagalaw,
ngunit kung titingin ka ng maigi
 
hindi pa rin siya nawawalan
ng pag-ibig; ng pag-asa.


About this entry