Ikaw

Ikaw
ang mga gabing hindi
makatulog. Sa talukbong
ng malumlom na hangin,
 
ikaw
ang mga maya’t mayang
panaginip. Ikaw ang buwan,
ang mga tala,
mga alaala
mga nagdaang saya.
 
ang bawat hapon
ay ikaw, tulad ng
ulan ngayon,
nag-iingay sa bubungan,
nagtatampisaw sa puso
na walang masilungan.
 
Ikaw
ang dapit-hapon, ikaw
ang umaga. Ikaw parati
ang masasayang halakhak,
ikaw na siyang hanap-hanap
sa mga ulap,
sa himig ng gitara
sa halina ng mga kanta.

Ikaw
ang sakit, ang dalangin.
Ikaw ang nagpupuyos na galit,
ikaw ang ‘di maawat na pananabik.
 
Ikaw at ikaw
 
at ikaw ang pag-ibig
na hindi na makamtan.
 
 
– dahil umuulan na naman.


About this entry