Musika, Katahimikan, Kawalan

Katahimikan, kaibigan.
Iyan at iyan lamang
Ang panalangin ng gabi.
 
Nauubos, nauupos
Na rin ang halakhak
Na nakakapit sa dingding,
 
Tinig niyang balabal
Tuwing ganito kalamig.
Wala na ang hampas
 
Ng alon sa aking paanan,
Tighaw na ang puso
Sa kanyang mga kwento
 
Ng bawat araw, minuto
Mga sandaling himig n’ya
Ang hiling-hiling
 
Ang nais-nais kapiling
Ngunit hindi ako
Hindi kailanman
 
Ang nagdidikta sa kalawakan,
Sa kanyang puso.
Hindi ako ang may hawak
 
Sa mga kwerdas ng gitara
Paos na rin ang tinig
Sa pagkanta, at naiiwan
 
Na lamang ang puso
Sa hindi halos marinig
Na mga panaghoy na
 
Nakikipagtagpo sa
Araw, gabin na
ginigisnang wala ka
 
Wala ka, wala ka.
Wala na ang musika,
At tanging pag-asam
 
Pagsusumamo ang dinig
Ng gabi, na hindi n’ya
Maririnig, o nanaising
 
Magisnan, kahit pa
Anong lakas, anong gilas
Ng buwan sa matayog
 
Nitong pagmamasid. Kaibigan,
Ipagkait mo na ang himig,
Ang ritmo, ang daloy
 
Ng musika sa aking dugo,
Sa aking puso – dahil hindi
Hindi sasapat ang matatamis
 
Na yakap at halik nito
Sa puso kong nalipos na
Ng pandinig, ng pandama.


About this entry