Sa Oras Ng Mga Tula

Oras na naman
Ng paggawa ng tula,
dahil hindi mapagpatawad
Ang gabi, at lumalatay
Ang ginaw ng sahig
sa likuran. Mangmang
ang balat sa paglimot
Maging mga kamay,
Balikat, mga labi.
 
Hindi nga ba’t
Alaala’t alaala mo lamang
Ang iniluluwal ng bawat
Salita, at sakit ang tanging
tugon sa paghinga?
 
Sa tinig mo lamang may saysay
Ang mga tugma, at sa mailap
Mong ngiti nakasalalay
Ang katuturan, katuparan
Ng mga dalangin hindi
Maitawid ng hangin at ulan.
 
Panahon na naman
Ng mga tula, ‘pagkat
Wala namang kasalo
Ang lungkot, at hindi pa rin
Humuhupa ang galit, takot
na aninag sa iyong mga tingin,
iniiwang bakas ng mga ‘di na
mabilang na pag-iwas.
 
Kaya’t hayaan mo sana,
ngayong panahon nga
ng mga tula, na hagkan
Kang muli, gamit ang ilang alaala
 
at hindi magiging mapagpatawad
ang paparating pang mga gabi,
At hindi pa matapos-tapos
Ang paglatay ng ginaw
Sa aking likuran.


About this entry