Hindi Kita Mahal

Hindi mo ako mahal,
‘yan ang sinabi mo
sa ilalim ng buwan.
Nakatingin ka sa ‘kin,
dakila mong mga mata,
nanghuhusga, nagpapataw
ng parusa. Hindi mo ako
 
mahal, na parang ikaw
ang aking puso, o waring
may punyal kang itinutok
sa aking dibdib. Hindi raw
nagsisinungaling ang pandinig,
at makailang ulit na umugong
ang bagyo –
hindi mo ako mahal.
 
Ninais kitang yakapin, hagkan
gaya ng paghagkan ko
sa iyong mga labi noon,
habang pikit ang iyong mga mata,
at mahina mong paghinga
ang dinig ng gabi.
 
Ninais kong patahimikin ka
sa aking mga yakap, ibulong sa’yo
ang pag-ibig na hindi nagmaliw
kahit sa isang saglit, ipadama
sa iyong dibdib ang init
ng wagas na pagsinta.
 
Ngunit hindi kita mahal,
at iniwan mo ako
sa ilalim ng liwanag ng buwan,
liwanag na hindi ko maatim tingnan.
Umulan matapos mong lumisan,
at hindi ko na matandaan kung
ulan o luha ang nagsasayaw
sa aking mga mata, habang
 
patuloy kong naririnig
ang tinig mo – puno ng lamig
at katiyakan – hindi, sinabi mo
hindi mo ako mahal.
 
 
 

– tapos na. sana.


About this entry