Dalangin

kailan pa huling naging tama
ang pagdampi ng mga labi ko
sa iyong balat? siglo ang layo

ng mga bagong sandali, mga nalimutang
kurot sa mapupulang pisngi, kagat-kagat
na mga alaalang minanhid na

ng kahapon, mga tumitilapong
damdamin. Sinta, hinahanap pa ba
ng katawan mo ang pagsuyo? tila hangin

ang mga tanong na ipinupuslit
natin ngayong gabi, at ayaw pahuli
ng iyong mga mata. mailap, pati mga pagbulong

sa iyong balat, at hinihimay akong pilit
ng iyong mga ngiti. kama sa ating likuran
ang naging hulmahan ng nakaraan, noong

sabay pa ang ritmo ng tawanan, bukambibig
natin ang ating mga pangalan, mga pangarap.
mga dalangin ba tayong magpapaulit-ulit

sa pagbigkas at hindi kailanman
matutupdan? sinta, sana’y hindi dasal
ang iyong usal sa aking mga labi,

dahil malayo pa ang magdamag
at kahit sampung libong tao’y hindi pa
natin muling makuhang maidikta.


About this entry