Pananagi(ni)p*

Lumalangoy ka sa liwanag ng pader, ng pinto, sa aking harapan. Tila naaalimpungatan pa lamang ang mga mata, pinilit mong hanapin sa isipan ang dahilan ng pag-iisa sa labas ng silid kung saan pilit mong itinatayo ang sarili, ginagapi na marahil ng liwanag ang lakas sa iyong mga tuhod. May tinig na sumasampal sa iyo, huminahon ka, wika nito, huwag kang bibigay sa sariling multo. Ikaw nama’y bantulot na mapapakapit sa pintuan, at dadaloy ang init nito mula sa iyong palad hanggang sa iyong dibdib, pumapaso, pumapasong matindi, isang mahiwagang ibong walang tigil sa pagaspas ng kanyang mga pakpak. Ngunit hindi ka na bibitaw. Hindi ka na aalis. Ang init na ring ito ang iyong lakas, ikaw at ang liwanag mula sa pader, pinto ay iisa na. Sa iyong pagkakakapit, malulusaw ang hitsura ng pinto, ng pader, at ang liwanag ay magiging imahe. Imahe ng isang kuwartong may dagat rin ng liwanag – mas matingkad, mas mapang-halina. Buong lakas mong itutulak ang pinto, ngunit hindi ito bubukas. Pipikit ka, bubulong sa sarili ng mga magagandang alaala’t karanasan, at sa muli mong pagtulak ay tatagos ang puso mo sa loob ng silid, at muli kang lulunurin ng liwanag. Basang-basa ka na ngayon ng nakaraan, at makikita mo siyang nakahiga sa kabilang dulo ng silid, himlay at umaalon ang itim n’yang buhok at hanggang sa dalisay niyang balikat, taimtim na balat. Lilipas ang oras na nagpupumilit kang tawirin ang liwanag, patungo sa kanya, patungo sa panaginip na inaasahan mong kayong dalawa, kayong dalawa lamang ang magkasalo. Walang salita, walang buntung-hininga ang maiipon sa iyong dibdib, lahat ng alinlangan ay naglaho na sa iyong pagkalunod. Mahimbing pa rin siya, ang mga pikit niyang mata ay matatalim, at sa bawat pagtitig mo’y sugat na naghihilom ang iyong dibdib, palad, talampakan. Walang puwang ang sakit, pagtuya mo sa iyong sarili, ang mahalaga lamang ay kanyang marahang paghinga, kahit pa tila ito ang umaagaw sa paningin, sa iyong sariling paghinga. Mapapagalaw siya sa iyong tangkang paglapit, ang mga kamay ay tutulay sa kanyang damit, walang bahid ng poot ang mababakas sa hibla ng kanyang dibdib, at sa munting kilos na ito mapupuspos ka ng pag-asa, at mabilis, mabilis na mabilis, parang buhawing dadaan ang bukas na inyong pagsasaluhan. Mga pangako, paparating nang alaala, mga salitang siya lang ang makapagbibigkas, at ikaw lamang ang makakarinig. Isang dipa na lamang, maiksing pisi kung maituturing sa dagat na iyong tinawid, sa kahapong pilit mong kinitilan ng buhay. Mapapapikit ka ng saglit, hindi, wala pa ngang kalahati nito, ang kurap ay habambuhay kung ihahambing. Ngunit sa muling buhos ng liwanag sa iyong mga mata, wala na siya. Tanging lukot at hugis ng kanyang katawan ang banaag sa kama sa iyong harapan, at dahan-dahan na ngang naglalaho. Wala ng ngiti sa iyong mga tuyong mata, hindi na nakakalunod ang liwanag. Tila mapanghusgang ugong sa iyong pandinig na lamang ang nangungusap, hinahatak kang palayo; baka maaaring maulit ang lahat, maaari pa sigurong baliktarin ang inog ng oras, ‘di kaya’y ipinid na lamang sa isang sisidlan ang pangarap na alaala’t basagin sa tamang panahon. Ngunit mananatili kang tahimik, dagat kang nawalan na ng pag-alon, habang patuloy mong tinutulay ang hugis ng kanyang katawan, at sinasamyo ang anumang alaalang naiwan niya sa kama, patungo sa iyong mga kamay.

 

*naisulat ‘ko na ‘to, matagal-tagal na rin, Hunyo 23 taong 2010. Halaw sa panaginip ng isang matalik na kaibigan. Binasa ko lang ulit, at natuwa ako. Balak kong gawing pelikula na magiging bahagi ng isang trilogy. Uunahin ko ‘to. Sana magka-pera. Salamat sa pagbasa.


About this entry