Breakfast of Champions*

Susubukan kong sumulat
Hindi para sa anumang dahilan
Na maaaring sentimental, hubad
At nangungusap ng damdaming
Sikil. Hindi, nais ko sanang sumulat
Sa saya ng pag-iisa, ng kawalan
Ng bagahe sa puso, sa isip
Sa gabing maalinsangan at kulob
Na paghinga at iniiwasan ng antok.

Magtitimpla ng kape, walang asukal
Dahil walang kapantay ang pait
At may kakaibang lakas ang init
Na dulot nito sa sikmurang mahilab,
Hindi maimpis, at puspos ng kabag.
Sabi ng orasan ay alas dos, sabi ko
Nama’y mainam, mainam, walang
Tatalo sa madaling araw na kahol
Ng aso ng kapitbahay ang nagsisilbing
Oda ng pag-iisa. Mano naman
Kung walang ulan, sakit
At alaala lamang ang dulot
Nito sa nangungulila, takot sa
Siyang umaasa. Wala namang bago
Sa ulan tuwing madaling araw,
Bukod sa tila misteryo ang tubig
Na bumabagsak mula sa dilim.
Ganoon pa rin naman ang ulan,
Mapanlinlang, mapang-udyok.

Mahilab pa rin ang tiyan, tahimik pa
Rin ang madaling araw, at malupit
ng magdamag — gago ka
Gago ka. Hindi mo suyuin ang tulog
Amuhin ang antok, ipagdasal
Ang bukas — bukas, hindi
Kinabukasan, sapagkat malaki
Ang pagkakaiba. Bukas,
Kung sakaling umaraw man
At hindi na maalinsangan
Hindi na mahapdi ang lalamunan,
O ang mga mata, at kapag
Wala nang hilab sa tiyan
Saka umasa, umusal
Ng munting dasal
Kalimutan ang almusal
Magsindi ng sigarilyo at muling
Subukan, ang sumulat
Na hindi tungkol sa anumang
Sentimental, at hubdan
Ang puso — ngunit hindi na,
Hindi na sa pag-iisa.
 
 
 
*naisulat kagabi sa Jorjo’s, walang magawa at nakakalimang serbesa na. ‘Wag nang itanong kumbakit ganyan ang titulo ng akda. Kaya n’yo na ‘yan.🙂


About this entry