Sa Mga Magdamag Na Mapag-isa

Masakit pa rin ang lamig
Tila nagsisimula ng mamahay
Sa aking balat – sinusukat, binibilang
Ang mga hibla ng aking ulirat. Ngunit
Hindi lamig at pagkamatay ng antok
Ang patuloy na sumusugat sa akin,
Kundi ikaw, ang kawalan mo, at
Mga gunitang yakap ka’t himbing
Sa namamanhid kong braso, habang
Tahimik nating ginagapi
Ang kalamigan ng magdamag.

Hanap ang dampi ng hininga
Sa iyong buhok, ang mahinang pagsambit
Ng pangalan ko sa iyong pagtulog.
Walang kapanatagan ang pandinig
Sa katahimikang wala ka, at hindi awit
Ng iyong paghinga ang pumapayapa
Sa akin. Sa mga sandaling ganito,
Usal ko ang dalangin na iyong yakap –
‘diĀ  mapagsisidlan ng alinlangan.

Hindi ka yakap at sumasakit ang lamig, sinta
At kung ilan pang magdamag ang bibilang
sa aking pag-iisa, lamig ma’y maupos,
Hindi na aasaming malaman pa
Dahil hindi na sinta, hindi ko na maiinda.
 
 
 
 

– naisulat sa lemery, batangas, kasagsagan ng lrp40 shoot. Unang nailathala sa FB


About this entry