Nais Kitang Muling Makita

Nais kitang muling makita.
Gusto ko sanang malaman kung may awit
pang taglay ang buwan, kung may himig
pa’ng tangan ang mga tala,
kung nangangako pa rin ba
ang mga umaga.

Sinta, marahil daang taon
na’ng namamagitan sa atin,
kahit pa araw lamang
ang kaya kong idipa. Duyan ka
kaya ng iyong mga pangamba,
at tanging katahimikan lamang
ang dumidinig sa iyong dalangin?

Dalangin ko namang sa mga gabing
lulan ka ng mga bulalakaw, sumagi
man lamang ako sa isip mo. At kung
may mga gabing wala nang
mapagsidlan ang lamig, baka sakaling
naitabi mo ang ilang mga yakap
na sa ati’y hindi nagdaan.

Itatanong ko rin sana, sinta
kung nagtatampisaw ba ako
sa iyong mga panaginip, gaya noon,
gaano man kadalang
at walang kahulugan.
Dahil wala pa namang imik
ang serbesa, ni ngiti’y
hindi kayang ialay ng gabi,
at ni hindi mo ako matingnan
sa ilanlibo mang panaginip.


About this entry