Tuwing Dapithapon At Maulan*

Minsan mo nang naitanong
Kung alaala ba ay laro
Lamang ng mga bata

tuwing magda-dapithapon
At maulan, saliw sa indak
Ng tubig, pawis at halakhak.

Pinilit kong hulihin
Ng ilang ulit ang larawang
Naiwan ng ating mga laro –

Ako ang taya, at ikaw
Ikaw ang hinahanap-hanap
Sa likuran ng punong mangga,

Bakuran, sa lilim ng buwan.
Mailap kang lagi, at walang sawa
Ako sa paghagilap, ‘di inda

Ang dungis at pangamba.
At madalas, maiiwan akong
Nakahandusay sa putikan,

Wala ka’t ang iyong ngiti.
Lilikha naman ng bagong laro
Ang panaginip, at ika’y

Masusumpungan, sa ‘king balikat,
Sa ‘king dibdib, sa ‘king labi.
Hindi na ako ang taya.

Tapos na’ng taguan.
Oo, sinta, minsan mo
na ngang naitanong

Sa akin kung alaala’y laro
Lamang ng mga bata
Tuwing dapithapon at maulan.

*umusbong mula sa usapan tungkol sa alaala. para sa kanya ang tulang ‘to.


About this entry