Taguan

Heto na naman tayo.

Walang sawa na naman
ang pagbibilang ng oras, pagkukumpuni
sa lumipas, pagpupukol sa
buwan at talang ‘di naman
mapipitas. Mano naman, sabi
ng isang musmos pang panaginip,
hindi ba’t ito at ito lamang
ang pumapayapa sa’yo?

Gago.

Mapapabunghalit naman
ang gabi, at tatakbo ka, tila
nagpapahabol, kasabay mo
ang panaginip kong walang muwang

at sa isang iglap, nagsimula na
muli ang taguan. Hindi ba’t
daang ulit na nating narinig
ang indak na ito?

Hindi ka pa rin naman sumasayaw.

Ipipilit kong magkanlong
sa puyat ng iyong mga mata, sa
kawalan ng saysay ng iyong
mga salita, tawa’t ngiti
ngunit patuloy ka sa pagtakbo

kasabay ang panaginip kong mangmang
sa pagtanan ng aking katinuan.
Hindi ka man lang ba lilingon
para malaman mo na hindi na
ako muling hahabol?

Ngunit mahaba-haba pa ang gabi
at hindi pa, sinta,
hindi pa natatapos ang pagbibilang
ng oras, pagkukumpuni sa lumipas.
Ngunit tapos na’ng pagpukol
sa buwan, at hindi na
muling pipitas ng mga tala.


About this entry