Hey Jay*

Pamilyar na sa akin ang eksenang ‘to – isang sementado at bitak-bitak nang lamesa, pares ng mainit nang Red Horse sa gitna ng lawa ng tubig mula sa lamig ng bote, isang blangkong tingin sa bakante nang upuan sa aking harapan. Hindi ko na mabilang kung ilang beses nang naging ganito ang eksenang nadadatnan ko, parang dejavu na ayaw tumigil sa kakasulpot. Puro ‘napanood ko na ‘to a’ ang himutok ko sa isip ko tuwing magmimistulang ‘flashback’ ang lahat, kahit alam kong hindi. At alam kong sa paglipas ng mga araw, magiging malabong ‘flashbacks’ lang ang lahat kapag mag-isa na akong nakikipagmasinsinan sa aking sarili.

Jay, mainit na beer mo.

Hirit ni Gwen ang bumasag sa katahimikang unti-unti ko nang nakakasanayan.

O, andito ka? Sino kasama mo? Inom ka?

Ganito na ako kapag naiistorbo ako sa aking katahimikan. Inabutan ko s’ya ng mainit-init ng beer sa kanyang pag-upo.

Napadaan lang ako, nakita kita, kainuman mo na naman yang multo.

Gago, banat ko sa kanya, nilayasan na ‘ko. Dale na naman e.

‘No pa nga bang bago?

Gago talagang ‘tong si Gwen, sa sobrang kasarkastikuhan nya e hindi ko na makuhang magalit. Hindi ko rin naman sya matingnan, tamad na ang mata ko sa pagtingin kanina kay Kay na walang naidulot kundi pigil na pag-iyak sa akin. Mapula pa nga ang mga mata ko. Alam kong hindi ko naman na kelangan pang ikuwento sa kanya, dahil ayaw na rin naman n’ya siguro marinig yung mga lab stori kong cliché na sa pandinig n’ya. Talagang walang bago.

Inom na lang tayo.

Tatlong round pa bago maunang umuwi sa akin ang katinuan ko sa boarding house. Tatlo rin kabarakada ko ang tinawagan ni Gwen para maihatid ako.

Jay, bakit ganito? Akala ko ba magkaibigan tayo?

Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko kay Kay ng itanong nya ‘yun pagkaupong-pagkaupo pa lang namin. Hindi pa nga ako nakaka-order ng maiinom, binanatan nya na ako.

Kay, hindi ko naman sinasadya e…

Aminado kong sa palabas ko nakuha yung linyang ‘yon, pero ‘yon naman talaga ang sinasabi ng loob ko. Nataon lang na nauna yung palabas. Kahit alam kong napanood na n’ya yung palabas na yun (sabay kasi naming napanood), bahala na lang ang naisip ko.

Jay, kasi…

Eto na, sabi ko sa sarili ko.

Sinubukan ko namang tingnan ka, Jay, kahit papaano, pero…

Tangina, sigaw ng utak ko sa pagsabog ng katotohanan sa mukha ko. Kahit pa sa likod ng isipan ko e inasahan ko na isang malaking ‘dejavu’ na naman ang lahat, umasa pa rin ako kahit papaano. Hindi naman ako mukhang swelas ng sapatos, masarap naman akong kasama, at, kahit papaano, may mga pinagdaanan naman kami ni Kay, ga’no man ka-platonic.

Dalawang Red Horse Stag ang pumagitna sa amin at sa kanyang nakakabinging mga paliwanag. Ni hindi na n’ya pinansin ang ice-cold na serbesa, nagtuloy lang s’ya na hindi man lang tumingin ng harapan sa akin.

Ako, kahit mamasa-masa na ng luha ang tabain kong pisngi ay pinilit ko s’yang tingnan. Gusto kong makita n’ya ako, kung paanong ang bawat mahina at maamo n’yang paliwanag ay nagpapaguho sa mundo kong pinasikip na n’ya. Gusto ko sanang makita n’ya akong malunod sa sabay kong paglagok ng Red Horse at ng kanyang mga sinasabi. Hindi ko na alintana ang ibang tao sa paligid namin; bingi na ako sa mga boses na sumasabay sa kanya. Unti-unti, nagiging madilim ang paligid. Isa-isang nawawala ang mga mesa, silya, bote ng beer, usok ng yosi at maging ang mga tao at kanilang hatid na ingay ay unti-unting nawawala. At bago pa man ako makasubok na kumawala sa aking kinalalagyan, nakita ko na lang ang sarili ko sa isang malaking screen na blangko ang backdrop – tulala at luhaan.

Jay?

Tangina Gwen, ang sakit.

Ilang beses nang narinig ni Gwen ‘yon, pero habang nag-uusap kami at grupo ng serbesa na naman ang kaharap, wala pa rin akong kapaki-pakialam kung ang sasabihin n’ya ay yung ilang beses n’ya na ring nasabi.

Tanga-tanga ka kasi e.

Sabi ko na. Pero kahit noon ko pa ‘yon narinig, ang lakas pa rin ng dating sa akin. Parang pinalo na naman ako ng pala sa ulo.

Ano namang gagawin sa ganun yung naramdaman ko?

Lumagok ng beer si Gwen. Hanggang ngayon nagugulat pa rin ako sa tindi ng kanyang pag-inom.

Alam mo Jay, walang mangyayari kung yan at yan pa rin ang iisipin mo. Tingnan mo nga yang sarili mo, ang laki-laki mong tao kung makaiyak ka para kang batang hindi pinalamon ng ‘sang linggo. Kalimutan mo na yun.

Naiipit na naman ako sa mga pinagsasasabi ni Gwen.

Hindi ko yata kaya, Gwen.

Puro ka kasi ‘hindi ko kaya, Gwen’ e. Minsan kaya subukan mo ‘no? hindi yung lagi tayong ganito, lagi kang ganyan.

Alam kong tama lahat ng sinasabi ni Gwen, kaya hindi ko talaga malaman kung bakit ayaw tanggapin ng sistema ko ang lahat ng ‘yon.

Jay, malawak yang mundo mo, ikaw lang ang nagpapasikip. At wag mong sabihing si Kay na naman, papaluin na talaga kita ng bote.

Kapag ganito na ang hirit nitong si Gwen e medyo nawawala ang amats ko. Hindi ko kasi alam kung tototohanin nya o hindi.

Pero Gwen, parang…

Subukan mo kayang tumingin sa paligid mo? Sa mga taong nakapaligid sa’yo? Jay, ako, nandito lang.

Mapait na ngiti at tawa ang sinagot ko kay Gwen at sinabayan ko ng ‘sang bote ng Red Horse. Dahan-dahan na namang lumiliwanag ng paligid. Maya-maya lang, didilim na ‘to. Lumalakas na rin ang boses ni Gwen. May tama na rin yata ‘to.

Gwen, mahal ko talaga si Kay…

Kamay na ni Gwen ang humila pababa sa kamay ko sa pag-angat ko ng serbesa para laklakin. Kaya ko pa, sabi ko. Ulol, tama na, ang sagot ni Gwen sa akin. Sa pag-alis namin ng Sarah’s at bago pa man ako maka-tulog sa balikat ni Gwen, ito lang ang huli kong narinig sa kanya.

Jay, hindi porke’t mahal mo, sapat ng dahilan ‘yon para maging kayo.

Tatlong buwan na ang dumaan simula nung mangyari yung sa ‘min ni Kay. Sa tatlong buwan na ‘yon, puro pag-aaral at pagbabanda lang ang inatupag ko. Nakakagulat ngang nakuha kong pagsabayin yung dalawang ‘yon. Ni hindi ko rin nakuhang mangarir, kahit pa alam kong dinadaan-daanan lang ako ng pagkakataon. Tulong na rin siguro ni Gwen, s’ya lang kasi ang madalas kong kasama, nasa library man ako o kung may gig kami. Nakakatuwa nga e, pinagtityagaan ako ng gaga, kahit puro pang-aalaska inaabot n’ya sa ‘kin. Pero masarap kasama si Gwen. S’ya lang naman kasi, bukod sa pang-aasar ko, ang nakakatagal at nakikinig sa mga drama ko. Hindi ko kelangan mag-modify sa kanya ng kwento, naiintindihan n’ya kasi kahit gaano man kababaw o kagago yung mga pinaggagagawa at pinagsasasabi ko. Dun n’ya rin kasi ako binabawian. Tipikal na sa amin ang sampal/hampas at litanya n’ya tuwing mag-uusap kami. Gago daw talaga ‘ko, sabi n’ya, masyadong fatalistic. Mano naman, sabi ko, kaysa naman sa walang ginagawa.

Madalas kaming natatapos na tumatawa at iniiwanan na lang ang aming mga pinag-usapan, siguro dahil na rin sa kapos na sa panahon at hindi talaga kami madalas magkasundo. Pero kahit ganito, hindi naman kami makatagal na tahimik, hinahanap talaga namin yung mga ‘away’ namin.

Maganda ‘tong si Gwen. Lalo na yung mata n’ya. Parang laging inaantok. ‘Yon nga ‘yung madalas kong hirit sa kanya. Pero sa totoo, ‘yon ang gustong-gusto ko sa mukha n’ya. Matipid nga lang ngumiti, mataray kasi. Pero ‘pag kasama ko s’ya, lagi namang nakatawa. Siguro may gusto ‘to sa akin. Kapag binabanggit ko sa kanya ‘to, isang ‘ulol!’ sabay kutos lang naman ang natatanggap ko.

Jay, alam mo, gago ka.

Hindi ko alam kung bakit madalas pa ring sabihin sa akin ni Gwen ‘yan, kahit habang naglalakad lang kami o nanonood ng sine. Bakit na naman, yun lang ang isasagot ko. Pero hindi ko naman maintindihan ‘tong sarili ko, na sa bawat ‘gago’ (may kasamang kurot o hampas paminsan) ay may kung anong nagpapahina sa akin. Nakakagulo talaga ‘tong nararamdaman ko, inuunti-unti na naman ako, dahan-dahan akong nilalapit kay Gwen. Eto na naman ‘to, sabi ko sa ‘king sarili. Tangina talaga. Hindi na nadala.

Sa pagmumuni ko habang nakaupo kami sa Greenbelt at kumakain ng ice cream (sa lata), bumulagta sa isip ko ang eksenang madalas kong makita. Hindi ko na hahayaan ‘to. Takot na ako sa maaaring mangyari, na si Gwen pa ang mawawala sa akin. Ayokong isang malaking dejavu na lang ang buhay ko. Ngayon, ako naman ang babawi. Hindi ko na bibigyan ng pagkakataon ang sariling mabigo. Saka na. hindi ngayon. Hindi kay Gwen.

Sa huling pagsubo ko kay Gwen ng ice cream ay napahawak s’ya sa kamay ko. Sa mga mata n’ya ako bumagsak. Hindi ko na napansin ang pagdiin ng kamay n’ya, habang pinapahid ko ang tumulong double dutch sa aking pantalon.

___

*nabalikan ko lang, siyam na taon na pala ang lumipas mula nang isulat ko ‘to. wala lang, baka may maka-relate, matuwa, magalit, o anuman. kasi kahit gaano bali-baliktarin ang lahat, masarap pa ring magmahal. kahit hindi na ‘yung mahalin. BOOM.


About this entry