Pick-up Poetry

“…at muli, nakita kang nakatayo’t nakangiti, bagama’t may lungkot na naaninag sa iyong mga mata. Napatingin ka sa akin, at sa pagtama ng ating mga tingin, inasahan kong titinag ang aking mundo. Ngunit hindi, bagkus ay nagsimulang uminog sa’yo.”

“…at unti-unti nang pinaghihiwalay kayo ng bawat oras, at lalong tumitindi na maging alaala na lamang ang mga pinagsilungang gabi, mula sa ulan at basbas ng buwan.”

“…Muli na namang naglalaho ang oras sa pagitan natin, at ngayon nga’y bumabalik-balik ang mga sandaling pilit nang iniwan sa kalsada ng lumbay. At nais na itanong sa’yo, giliw – tangay mo man aking hininga –  kung hindi na nga ba matatapos ang larong ito ng mga puso.”

“…Kanina, habang darang na minamasdan ang pagyakap ng hibla ng damit sa iyong balikat, naglarong bigla sa isip na ako ang hanging umiihip sa iyong tabi, na makailang ulit sayo’y nagpangiti.”

“…Nais kong salain ang oras, kung para lamang sa mga alaalang kusa nang inaanod palayo ng panahon. dahil oo, ang dati’y mananatiling dati, at ni sa iglap mang masilayan kang muli, alam kong hindi-hindi ka na magbabalik.”

“…ipagpatawad mo ulan, indak ng puso’y hindi sa himig ng iyong mga patak, kundi’y sa saliw at musika ng kanyang halakhak.”

“…hindi magantihan ang pagkakataong pinalampas nang makita kang mapag-isa, tahimik na ginigising ang mga naalimpungatang panaginip sa’yo. at sa minsang sulyap mo, titig ko’y lango, bukambibig ay kawalan, at ni hindi masabi, kahit sa sarili, ang napakaikli mong pangalan.”

“…Ilang ulit ring pinukaw ng musika, halakhak at mga naikubling usapan ang laro ng puso’t isip – hawak ang iyong kamay, wala ni isang imik sa isa’t-isa, sabay nating pinipigil ang paghinga sa hangin ng dapit-hapon – ito ang madalas nilang laro. Ngunit magigising sa bawat bukas na malayo ka, at aasang sa mga susunod na gabi, ay matapos na ang larong hindi pa nasisimulan.”

 

*dahil hindi magkamayaw ang lamig nitong mga nakaraang gabi.

 


About this entry