Ikalabimpitong Soneto (Salin ng Sonnet 17 ni P. Neruda)

Iniibig kita hindi dahil sa tila ika’y namumulang asin, o topaz
o ang palaso ng mga bulaklak na ibinubuga ng apoy.
Iniibig kita tulad ng pag-ibig sa mga bagay na makulimlim,
palihim, sa pagitan ng anino’t kaluluwa.

Iniibig kita tulad ng sa halamang hindi namumukadkad
ngunit tangan ang liwanag ng mga tagong bulaklak;
salamat sa pag-ibig mo at isang katangi-tanging samyo,
mula sa lupa ay buhay ngayon sa aking katawan.

Iniibig kita nang hindi alam kung paano, o kailan, o mula saan.
Iniibig kita nang walang pasubali, wala ni gulo o pagpapalalo;
kaya’t iniibig kita dahil wala nang ibang paraan

bukod dito: kung saan ang ako ay wala, ni ang ikaw,
Napakalapit na ang iyong kamay sa aking dibdib ay akin,
Napakalapit na napipikit ka sa aking paghimbing.


About this entry