Ayoko Na Sa Buwan

Tingnan mo, sabi nila
silang napukaw sa iyong ngiti
mga mangmang na nahumaling
sa ‘di magkamayaw na lamig,
at sa mabini mong pagtitig –

tumingala ka, bulong ng hangin
sa balat – may bitbit na lambing
ang bawat kurot nito sa hiningang
hapo at mga matang nagkukumahog
ng liwanag –

namnamin mo, sambit nila
silang tila butil ng hamog na
salat sa kalinga, kinakapos sa
mga alaala, binabaliw
ng pag-iisa –

Abutin mo, sigaw nila
silang umaasa sa mga himala.
Nanatili naman ako sa pagkakayuko,
habang hinuhusgahan ng aninong
nalikha sa liwanag mo.

Image

*salamat kay Carlo Pacolor Garcia para sa larawan. Heto ang site n’ya.


About this entry