Kay Astrid

Hinahanap-hanap ko
ang kape at iyong ngiti
sa aking harapan, kapag
hapon at maulan – teka –
kahit pa wala ni ambon,
o nilalamig sa sipon

iniipon-ipon
na lamang kita,
aking masayang alaala,
tuwing hatid ka’t aabutan
tayo ng dapithapon.

Hindi nakakatulong
ang panibagong lamig
inaabot ng ligalig,
lalong nawawalan ng hininga –
tulad noon, nagkakasya na
sa kwento’t halakhak
ng maghapon.

Matalik na kaibigan
alam mong alaala ka
sa tuwing lumalamig
ang kape sa harapan
at magigisnang malayo ka,
at hindi pa kayang pigilan
ang pagbibilang
ng mga araw, buwan.

Kaya’t dalanging maaliwalas
naman sa’yo ang panahon,
at paminsan-minsa’y
bitbit ako’t ilan nating
kwento. At wag limutin,
lalo’t sa mga sadya
na mapag-isa –

hindi nga kape ang kape
habang wala ka.

 

 

download

*litrato mula sa pelikulang Drinking Buddies (2013) ni Joe Swanberg


About this entry