Tila*

Nanginginig na ipinatong ng Binata ang braso sa bintana ng ordinaryong bus na sinakyan n’ya, dalawang oras matapos ang maghapong  pag-aapula ng pagbaha sa kahabaan ng Ricarte Avenue, iligpit ang uniporme’t isuot ang kupas n’yang itim na kapote at maglakad patungo sa hintayan ng mga pampasaherong sasakyan gaya ng maraming komyuter na tila walang malay na nakikipagsiksikan at nakikipaggitgitan sa isa’t isa para lang makakuha ng masasakyan – araw-araw. Dalawang oras o higit pa – araw-araw. Nakasanayan na ng Binata ang ganito – eksena rin marahil sa ibang sakayan dito sa lungsod kung saan halos walong taon nang walang tigil ang pag-ulan. Dinadapuan pa s’ya ng bugnot noong mga unang buwan, walong taon na ang nakakaraan, at hindi ganito katahimik ang mga tao sa paghihintay na makauwi – nagliliparan ang reklamo’t mga palipad-hangin sa tilamsik ng putik ng kalsada, mainiping mga pedestriyan, umaatikabo ang gitgitan para lang maunang makasakay at hindi na abutang malamig ang hapunan at tapos na ang paboritong telenobela. Ngayon, tila mga robot silang inaanod ng ulan mula sa kanilang mga opisina papunta sa sakayan at bus at kani-kanilang mga tirahan. Walang maririnig na reklamo sa loob ng bus, maski kunduktor ay hindi makuhang magtawag pa ng pasahero. Ni drayber ay hindi na lumilingon sa pagbukas-sara ng pinto ng bus, at dinig mo na ang kaluskos ng windshield wiper na walang tigil sa pagparoo’t parito sa kanyang harapan. Dati-rati, aninag pa sa hamog ng salaminan ng mga bintana ang magkakayakap, mga ulong nakadantay sa mga balikat na pilit itinatago ang lamig. Dinig pa dati ang mga paghilik habang walang usad ang mga sasakyan sa kalsada, mga hiyaw ng busina sa tuwing may tarantadong igigitgit ang sasakyan ng alanganin para lang mauna. Dati, may ilan pang nakakapagbukas ng libro at pilit na nagbabasa sa mahinang ilaw ng bus at ng mga poste ng ilaw. Ngayon, nakakabingi ang katahimikan ng mabagal na pag-usad ng mga sasakyan, ng mga blangkong pagtitig sa kawalan. Ni hindi na nagsasara ng bintana ang mga pasaherong napapaupo sa tabi nito, tila kuntento nang mabasa ang kanilang mga braso’t mukha na paminsan-minsa’y papahirin gamit ang palad. Ngunit mananatiling bukas ang mga bintana. Halos gabi na, nagsisimula nang magliwanag ang mga luma’t kinakalawang nang mga poste sa kahabaan ng Ricarte Avenue. Iuusli ng Binata ang kanyang braso sa bintana, tila kiming naghahamon sa pagtulo ng tubig-ulan, at titingala naman sa iilang ilaw at mga gusaling mahigit isang oras nang nakatapat sa sinasakyang pampublikong bus. Babalik ang kundoktor sa harapan, sa tabi ng walang imik na drayber at magpapako ng tingin sa linya ng mga sasakyang tila mga pula at dilaw na mga alitaptap na hindi makuhang gumalaw, hindi magawang makalipad.

 

*pahapyaw ng naiplanong maikling kwento bago naging short film script

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 


About this entry